Mula sa simpleng pwesto sa gilid ng kalsada ng Sitio Felipe Barangay San Marcelino, Dingras, Ilocos Norte, ang ani ng mga magsasakang benepisyaryo ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) ay umabot na ngayon sa mas malawak na pamilihan sa loob ng SM City Laoag.

Inilunsad ang SM Weekend Market noong January 24, 2026, isang inisyatiba ng DSWD FO 1 at SM Foundation na nagbigay ng bagong oportunidad sa 12 Sustainable Livelihood Program Associations (SLPAs). Kabilang dito ang 129 Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries mula sa Laoag City at Dingras, Ilocos Norte.

Dahil sa libreng pwesto sa loob ng SM Mall, nagkaroon ng pagkakataon ang mga 4Ps SLPAs na direktang maibenta ang kanilang sariling ani tulad ng mga gulay, prutas, at itlog sa mas malawak na hanay ng mga mamimili Kabilang dito ang mga aning gulay mula sa Project LAWA at BINHI ng DSWD FO 1 na bahagi ng convergence ng Risk Resiliency Program (RRP) na naglalayong palakasin ang kabuhayan at food security ng mga komunidad.

Isa sa mga asosasyong malinaw ang naging pagbabago ay ang ka-Saka SLP mula sa Barangay Marcelino, Dingras. Sa 25 miyembro ng asosasyon, 23 ang kasalukuyang 4Ps beneficiaries, habang dalawa naman ay nagtapos na sa programa. Bago ang SM Weekend Market, nagtitinda ang grupo sa Sitio Felipe at kumikita ng humigit-kumulang PhP500.00 kada araw. Ngayon, dahil sa dagdag araw na pagtitinda tuwing Sabado at Linggo sa SM City Laoag, umaabot na sa mahigit PhP2,000.00 kada linggo ang kanilang kita.

Sa likod ng mga produktong maayos na naka-display sa SM Weekend Market ay mga kuwento ng pag-asa at pagsisikap, gaya ng kay Mary Ann Rasalan. Ayon sa kanya, inaasahan na niyang makapagtapos ang kanyang pamilya sa 4Ps ngayong taon kahit wala pang opisyal na abiso, isang yugto na tinatanggap niya nang may saya at kumpiyansa.

“Masaya akong gagraduate [sa 4Ps] at tanggap ko po. May pinagkakakitaan na rin ako kaya kahit may dalawa pa akong pag-aaraling anak ay alam kong mas kaya na namin ngayon kaysa noon na lahat ay utang,” ani Mary Ann.

Hindi lamang ang 4Ps ang naging tulong sa kanyang pamilya. Bukod sa cash grants, naging scholars din ang kanyang mga anak sa ilalim ng Provincial Government of Ilocos Norte, na lalo pang nagbigay ng pag-asa sa kanilang kinabukasan. Sa kanyang limang anak, ang kanyang panganay na si Kathleen Mae Rasalan ay isa nang Licensed Teacher, 4th Year College na rin ang kanyang pangalawang anak na si Izzabelle Rasalan, at nasa Grade 12 na rin si Zyrene Rasalan, ang ikatlong anak niyang 4Ps monitored child.

Para sa DSWD, ang SM Weekend Market ay higit pa sa isang pamilihan. Isa itong konkretong patunay na kapag pinagsama ang suporta ng pamahalaan, pribadong sektor, at sipag ng komunidad, nagiging posible ang isang mas inklusibo, sustenable, at pangmatagalang kabuhayan – tulad ng ka-Saka SLPA, na mula sa maliit na ani sa sitio ay nakarating  sa mas malawak at level-up na merkado sa probinsya.

Ang SM Weekend Market ay regular nang isinasagawa tuwing Sabado at Linggo, mula 8:30 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, sa pakikipagtulungan ng DSWD FO 1, SM Foundation, at iba pang ahensya ng pamahalaan.#