Isang mahalagang yugto sa pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pormal na pagbubukas ng bagong Annex Office para sa Protective Services Division-Crisis Intervention Section (ProtSD-CIS) ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) na sumasalamin sa patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga indibidwal at pamilyang nakararanas ng krisis.
“Sa paglipat ng Crisis Intervention Section na nagbibigay programa para sa Assistance to Individuals in Crisis, minabuti natin na maghanap ng isang mas maluwag na lugar at makapagbigay tayo ng mas komportable at accessible na serbisyo para sa nangangailangan lalong-lalo na sa mga nakatatanda at may kapansanan,” ani Assistant Regional Director for Operations (ARDO) Anniely J. Ferrer.
Sa bagong pasilidad na ito, mas pinahusay ang daloy ng proseso mula screening hanggang sa pagpapaabot ng tulong pinansyal, alinsunod sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na gawing mas mabilis at mahusay ang serbisyong panlipunan ng ahensya.
Matiyagang naghihintay ang mga kliyente ng AICS ang matatanggap na tulong pinansyal habang pinoproseso at ina-assess ng mga Social Workers ang kanilang mga requirements sa bagong pasilidad ng ahensya sa Pagdalagan City of San Fernando, La Union
Dahil mas maluwag na ang opisina nagawang magkaroon ng hiwalay na application lane para sa Guarantee Letter (GL) area at isang dedikadong counseling room para sa mga kliyente ng WiSupport. Layunin ng mga pagbabagong ito na mabawasan ang pila, mapabilis ang transaksyon, at matiyak ang privacy ng mga kliyente, lalo na sa mga nangangailangan ng Psychological First Aid.
“Bukod sa komportable at accessible na serbisyo, nag set up tayo ng mas malaking espasyo para mas maging available ang iba pang serbisyo ng CIS tulad ng psychosocial services na pwedeng magbigay ng counseling at Psychosocial First Aid sa mga kliyente. Kalakip din nito ay nakapaglagay tayo ng mas maayos na queuing system para sa mas madaling pagkuha o pag-avail ng assistance,” dagdag pa ni ARDO Ferrer.
Higit sa isang pisikal na pasilidad, ang Annex Office na ito ay nagsisilbing tulay ng DSWD FO 1 upang mas mailapit ang tulong at kalinga ng pamahalaan sa mga mamamayan at komunidad. (DSWD FO 1 – Ilocos Region)

