Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang nangununa sa pagbibigay ng karagdagang tulong sa panahon ng kalamidad. Upang mas mapabilis at maging epektibo ang mga hakbang sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad, aktibong katuwang ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) ang iba’t-ibang National Government Agencies (NGAs), Local Government Units (LGUs), Civil Society Organizations (CSOs), volunteer groups, at mga private institutions sa rehiyon.

Isa sa mga katuwang ng DSWD FO 1 ay ang mga resident clients ng Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY) na aktibong nakikibahagi sa paglo-load,unload inspeksyon, at pag-aayos ng Food and Non-Food Items (FNFIs), at iba pang paghahandang kinakailangan tuwing may paparating na kalamidad.

RRCY resident clients habang nagsasagawa ng quality inspection ng FFPs sa DSWD FO 1 Satellite Warehouse, Urayong, Bauang, La Union.

Ayon sa mga resident clients, noong una ay hindi sila sanay dahil nababawasan ang kanilang oras para sa recreation activities. Ngunit kalaunan ay napagtanto nilang mahalaga ang kanilang ginagawa para makatulong sa kapwa. 

Sa isang kumustahan session kasama ang mga resident clients, tinanong sila kung ano ang naging epekto ng kanilang ginawang inspeksyon ng Family Food Packs (FFPs).

Ani ni alyas ‘Jerome’, “Kahit sa simpleng gawain na ito ay nakatulong kami para sa mga tatanggap ng mga food packs na chineck namin.”

Dagdag naman ni alyas ‘Chavit’, “Nasisiguro namin na kumpleto ang kape, delata, at walang bukbok ang bigas na matatanggap nila.”

“Sa pag-iinspeksyon namin, pakiramdam namin ay nakapagbigay rin kami hindi lamang ng effort kundi pati extra love at extra care para sa mga pamilyang makatatanggap ng mga FFP,” pagbabahagi naman ni alyas ‘Kit’, ang team leader ng grupo. 

Sa pamamagitan ng kanilang pakikilahok, hindi lamang sila nakakatulong kundi nahuhubog din ang kanilang diwa ng bayanihan, pagiging responsable, at pagkakaroon ng malasakit sa kapwa.

Patuloy na pinagtitibay ng DSWD FO 1 ang mga ganitong uri ng pakikipagtulungan upang matiyak ang kahandaan ng ahensya sa anumang sakuna habang sabay na hinuhubog ang mga kabataang nasa ilalim ng kanilang pangangalaga bilang responsableng miyembro ng komunidad. Dahil sa sama-samang pagtutulungan ng mga kawani, resident client ng DSWD FO 1, at mga partners ng Kagawaran, mas nagiging mabilis at maayos ang paghahanda at paghahatid ng tulong sa mga komunidad na naaapektuhan ng kalamidad sa Rehiyon Uno. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)