Sa loob ng walong taon, ang tubig sa Barangay Malideg ay patuloy na dumadaloy sa bawat tahanan -hindi lamang bilang pang-araw-araw na pangangailangan, kundi bilang matibay na patunay ng pagkakaisa, tiyaga, at pagbabago ng bawat residente. Mula noong inilunsad ang sistema ng tubig ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region sa ilalim ng KALAHI-CIDSS Program, nabago ang buhay ng mahigit 800 residente. Ang bawat patak sa gripo ngayon ay nagdadala ng ginhawa, dignidad, at pangakong patuloy na maglilingkod sa komunidad.

Bago dumating ang proyekto, hamon ang bawat araw para sa mga residente. Naglalakad ang mga pamilya pababa sa ilog, bitbit ang mabibigat na galon. Sa tag-ulan, putik ang tubig; sa tag-init, halos tuyo. Isang balde para sa inumin, isa para sa paghuhugas, at ang iba pang balde ay para sa pagluluto. Madalas, kulang ang tubig para maligo ang mga bata bago pumasok sa paaralan. Ngunit sa kabila ng pagod at sakit, nanatili ang tapang at determinasyon ng komunidad. Ibinahagi ni Barangay Captain Cesario Bangui ay batid nila na noon, bawat paghakot ng tubig ay pagsubok.

Nu parbangon, mapan da pay lang idiay karayan nga agdigos sakbay da nga mapan agtrabaho. Kasta met nu iti malem mapan da pay manen  idiay karayan nga agdigosen kada agsakdo, aglaba. Pati pagluto da idiay iti pangalaan da nu dadduma iti usaren da nga pagluto. Isu nga narigat met iti biag mi maipanggep iti danum ditoy Brgy. Malideg (Kung madaling araw, kailangan naming maglakad nang malayo papunta sa ilog para maligo bago magsimula sa trabaho. Ganoon din tuwing hapon, pupunta kami sa ilog para maligo, kukuha ng tubig, maglaba, at mag-igib para sa pagluluto. Kaya napakahirap ng pamumuhay namin dito sa Barangay Malideg pagdating sa tubig),” saad ni Cesar.

Taong 2017 ay dumating ang KALAHI-CIDSS Program na nagbigay sa komunidad ng boses at kapangyarihan, kung saan lumagpas pa sa 30% na target ang mga kababaihang nakibahagi sa programa. Sa pamamagitan din ng Community Driven Development (CDD), hindi na lamang simpleng tumanggap ng tulong ang mga residente, bagkus sila ay naging aktibong kalahok sa bawat plano at desisyon. Sa bawat pagpupulong, pinag-usapan ang pinakaimportanteng pangangailangan: maaasahan at malinis na tubig para sa lahat. Ang simpleng desisyong iyon ang nagbukas ng pinto para sa mas malaking pagbabago,hindi lang sa sistema ng tubig kundi sa buong barangay.

Isa si Jennifer Tawali, daycare worker na nagsilbing community volunteer sa paglunsad ng nasabing program. Kung saan siya mismo ang nagpatunay na sa tulong nito ay mas nagkaroon siya ng kumpiyansa sa kanilang sarili.

Si Jennifer Matias naman na naninirahan sa Malideg simula pa noong 2001,  ibinahagi ang pagbabago ng buhay ng kanilang pamilya kung saan ang dating mahabang lakaran sa pagbitbit ng balde-baldeng tubig ay napalitan ng ginhawa at mas maraming oras para sa pamilya dahil sa mismong tahanan nila ay may dumadaloy nang sapat na tubig para sa kanilang buong mag-anak.

Saad ni Matias, “Ket isu datoy pagsayaatan na ta adda datoy KALAHI nga nagi-kwa (nangited) iti source iti danum mi, ket nasayaaten haan kami unay nga marigatan iti danum ta naiserrek iti balbalay min iti danum (Kaya kami ay nagpapasalamat dahil mayroon itong KALAHI na nagbigay ng source ng tubig sa amin, mas maganda na ang buhay namin at hindi na kami nahihirapan sa tubig dahil nailagay na ang tubig sa bawat bahay sa amin).”

Bukod sa mga kabataan at kababaihan, ang buong barangay ay nagpakita ng malasakit at pagkakaisa. Sama-samang minomonitor ang sistema, at anumang isyu ay agad tinutugunan. Ang kolektibong responsibilidad at pagtutulungan ay nagpapatibay sa bawat residente at nagpapaalala na ang proyekto ay hindi lamang para sa iisang tao, kundi para sa lahat.

Mas ligtas at malinis na inuming tubig ang tinatamasa ng mga residente, matapos ang mga taong pag-unlad mula nang maipatayo ang community water system.

Ngayong 2025, patuloy ang isinasagawang pagpapahusay ng mga residente sa proyekto kung saan nagkaroon ng inisyatibo ang mga residente na ikonekta ang water system sa bawat tahanan. Napabilang din ang kuwento ng Barangay Malideg sa nakaraang Local Chief National Nominess ng 2025 Tatak KALAHI-CIDSS Awards noong November 19, 2025.

Sa Barangay Malideg, ang tubig ay higit pa sa pangangailangan. Ito ay simbolo ng ginhawa, dignidad, at tiwala sa sariling kakayahan. Sa bawat gripong may tubig, ramdam ang kwento ng isang komunidad na natutong humarap sa hamon, magdesisyon, at lumago nang magkakasama.