May kabuoang 50,263 pamilya sa Rehiyon Uno ang nakatanggap ng tulong sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer (ECT) Program ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO k1) bilang tugon sa pinsalang dulot ng mga bagyong nanalasa sa rehiyon ngayong taon.
Ang mga benepisyaryo ng ECT ay mga pamilyang lubhang naapektuhan ng mga Bagyong Emong at Uwan, kabilang ang mga naitalang nasiraan ng bahay, gayundin ang mga pamilyang matagal naantala ang kabuhayan at hanapbuhay dahil sa mga nasabing kalamidad.
Noong Oktubre, naipamahagi ang unang batch ng ECT para sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng Bagyong Emong. May kabuoang 35,165 pamilya sa La Union at Pangasinan ang nakatanggap ng tulong. Sa bilang na ito, 13,675 pamilya na may totally damaged houses at matagal na naantala ang kabuhayan at hanapbuhay ang tumanggap ng tig-PhP10,179.00, samantalang 21,850 pamilya na may partially damaged houses ang nakatanggap ng tig-PhP5,265.00.Naipamahagi naman ang ikalawang batch nitong Disyembre, kung saan 21,850 pamilya sa parehong lalawigan na may partially damaged houses ang nakatanggap rin nang tig-PhP5,265.00.
Samantala, bilang tugon sa pinsalang dulot ng Bagyong Uwan, nagpatupad ang DSWD FO 1 ng ECT noong Nobyembre para sa kabuoang 2,798 pamilya. 2,446 pamilya ay mula sa Binmaley, Pangasinan, habang 352 pamilya naman ay mula sa City of San Fernando, La Union. Ang mga nasabing benepisyaryo ay nakatanggap ng PhP5,265.00 bilang karagdagang tulong para sa kanilang pagbangon.
Tinatayang PhP330,013,710.00 ang kabuoang halaga naipamahagi ng DSWD FO 1 sa ilalim ng ECT Program.
Ang ECT ay isang unconditional cash assistance program ng DSWD na naglalayong magbigay ng suporta at pag-asa sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng kalamidad na nakatira sa mga lugar na idineklarang State of Calamity, upang matugunan ang kanilang agarang pangangailangan at makatulong sa kanilang muling pagbangon. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
