Sa pananalasa ng Bagyong Emong noong Hulyo ngayong taon, isa ang coastal island municipality ng Anda sa mga naapektuhan sa Pangasinan.
Dahil sa lokasyon at baybaying bahagi ng bayan, madalas itong maapektuhan ng mga bagyong dumaraan sa rehiyon.
Sa bawat pamilyang naapektuhan ng bagyo sa bayan, ang pagbangon ay hindi sabay-sabay. May mga naunang nakatanggap ng tulong, at may mga katatanggap pa lamang. Sa kabila nito, iisa ang layunin—maihatid ang tulong sa panahong ito ay pinaka-kailangan.
Nauna nang nagbigay ang Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) ng tulong sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer (ECT) Program sa mga pamilyang may mga napinsalang bahay bilang agarang suporta sa kanilang pangangailangan noong nakaraang Oktubre. Nitong weekend (Disyembre 20–21, 2025), ang iba pang kwalipikadong pamilya naman ang nabigyan ng tulong mula sa programa.
Batay sa naitalang datos, umabot sa 10,591 pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Emong sa Anda, kung saan 7,174 pamilya ang nakapagtala ng mga bahay na napinsala.
Sa kabila ng lokasyon ng bayan, hindi naging hadlang ang layo at ang pagtawid sa isla upang maipaabot ang ECT sa mga benepisyaryo.
Sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan, na nagsagawa ng validation sa mga pamilyang nasiraan ng bahay, tiniyak ng DSWD FO 1 na ang tulong pinansyal ay makarating sa mga pamilyang higit na nangangailangan. Bawat kwalipikadong pamilya ay nakatanggap ng PhP5,265.00, na magsisilbing suporta para sa kanilang muling pagbangon.
Para sa maraming pamilya, ang ECT ay hindi lamang tulong pinansyal kundi paalala na may kaagapay sila sa gitna ng pagsubok. Sa patuloy na paghahatid ng tulong ng DSWD FO 1—unti-unting nabibigyan ng lakas ang mga apektadong pamilya upang muling makabangon. Sa Anda, ang ECT ay naging bahagi ng kwento ng pagbangon matapos ang pananalasa ng Bagyong Emong.
Patuloy ang DSWD sa pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa mabilis, inklusibo, at makataong pagtugon sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng kalamidad kagaya ng ECT na nagbibigay ng unconditional cash assistance bilang suporta sa kanilang muling pagbangon. (DSWD Field Office 1 – Ilocos Region)
