Hindi lamang trabaho ang pagiging public servant kundi isa ring misyon na nagdudulot ng pagbabago sa buhay ng maraming tao at nagbibigay ng inspirasyon sa mismong lingkod-bayan.

Isang malinaw na halimbawa nito ang panata ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region sa ilalim ng programang KALAHI-CIDSS, na naglalayong palakasin ang kakayahan ng bawat komunidad gamit ang Community-Driven Development Approach.

Para kay Loida R. Nuval, Area Coordinator ng KALAHI-CIDSS, bawat paglalakbay ng kanilang grupo mula sa mga payak na barangay hanggang sa geographically isolated and disadvantaged areas, katulad ng Barangay Sapdaan, Santol, La Union, ay hindi lamang simpleng pagbisita kundi pagkakataong makita ang tunay na lakas ng komunidad at epekto ng kanilang pagtutulungan

Sa mga lugar na ito, nasaksihan nila ang pagkakaisa ng mga residente kung saan maging ang mga senior citizens ay boluntaryong tumulong sa proseso. Ang kanilang malasakit ang nagbigay inspirasyon sa grupo upang higit pang makapaghatid ng suporta. Ang pagsisikap na ito ang nagbunga ng makabuluhang tagumpay sa pamamagitan ng subproject na “Improvement of Access Pathway from Nametbetan to Proper.”

“Lahat kasi ng may edad doon, sabi nila, sa tanda nilang iyon ngayon lang natupad ang daanan na matagal na nilang hinihintay mula sa gobyerno. Buti na lang daw at kahit papaano, bago sila pumanaw, nasilayan nila ang pangarap na matagal na nilang inaasam,” ani Loida. Ang mga salitang ito ng mga nakatatanda sa lugar ang lalong nagpatibay sa hangarin ni Loida at ng kanyang team na maging tulay ng pagbabago. Sa bawat gabay at technical assistance na kanilang ibinibigay, alam nilang bahagi sila ng katuparan ng isang pangarap—hindi lamang ng isang indibidwal, kundi ng buong barangay.

 

Kababaihan at senior citizens ng barangay ay aktibong nakikilahok sa hauling at paghahalo ng semento para sa implementasyon ng subproject sa kanilang lugar.

 

Bagaman mahirap at mapanganib ang pagpunta sa mga liblib na lugar, hindi ito naging hadlang. Sa halip, mas pinatatag nito ang kanilang paninindigan na abutin ang bawat komunidad upang matiyak ang mas ligtas, maayos, at maunlad na pamumuhay ng mga residente.

 

Binabaybay nina Loida Nuval at iba pang kawani ng DSWD KALAHI-CIDSS ang mapanghamong, hindi sementadong daan sa  Brgy. Sapdaan, Santol, La Union habang inihahatid ang mga programa at serbisyo ng ahensiya sa mga komunidad.

Sa kabila ng mga hamon, ang simpleng pasasalamat at saya ng mga residente ang nagsilbing lakas nila. Lalo pa itong tumingkad nang maramdaman at makita nila ang kongkretong pagbabago na hatid ng proyekto. Matapos ang turnover ng “Improvement of Access Pathway from Nametbetan to Proper,” mula sa dating dalawa’t kalahating oras na lakaran, nabawasan na ito ng halos isang oras dahil maaari na rin itong daanan ng mga motorsiklo. Lubos ang pasasalamat ng mga residente na hindi na madulas at delikado ang daan kahit tag-ulan, kaya’t mas ligtas at maginhawa na ang paglalakad o pagbiyahe, mayroon man o walang dalang mabibigat na gamit.

Para kay Loida at sa buong DSWD FO 1 KALAHI-CIDSS, ang masaksihan ang pagbabago sa pamumuhay ng mga residente ay sapat nang dahilan na sila’y  magpatuloy upang mas maraming buhay pa ang kanilang matulungan. Ang kwento ng Barangay Sapdaan ay isa sa mga nagpapatunay na sa pagtutulungan ng komunidad at mga lingkod-bayan, ang mga pangarap ay nagiging realidad at ang serbisyo publiko ay nagkakaroon ng mas malalim na saysay at kahulugan.