Mas pinaigting ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) ang pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pamamagitan ng isinagawang 4Ps Regional Advisory Council Onsite Monitoring (RAC OSM) sa mga bayan ng Binalonan at Sison, Pangasinan.

Layunin ng RAC OSM na matukoy ang kasalukuyang kalagayan ng mga 4Ps households at ang estado ng implementasyon ng programa batay sa karanasan, obserbasyon, at rekomendasyon ng mismong mga partner stakeholders sa Region 1. Ito ay upang matulungan ang mga 4Ps household beneficiaries na masunod ang mga kondisyon ng programa, at  higit pang mapaangat ang kanilang level of well-being. 

Bago isagawa ang RAC OSM, ang mga bayan ng Binalonan at Sison ay ilan sa mga lugar na natukoy na mayroong mataas na compliance sa programa ngunit kinakailangang tugunan ang ilang naitalang Not Attending School (NAS) Children. Kaya’t sa aktibidad na ito, masinsinang kinausap at pinakinggan ng 4Ps RAC members ang iba’t ibang sambahayang 4Ps na may NAS Children, ang ilan sa opisyal sa lokal na pamahalaan, at iba pang program partners sa edukasyon at pangkalusugan.

Sa isinagawang monitoring, natukoy ang ilang pangunahing suliranin tulad ng pagkakasakit na nangangailangan ng agarang gamutan. Ang mga nasabing sambahayan ay agad na inendorso sa Department of Health (DOH) at PhilHealth para sa kinakailangang medical assistance.

Isa ring obserbasyon ng RAC members ay ang kawalan ng kuryente at kakulangan sa suplay ng tubig sa ilang 4Ps households –  mga dahilan na nakahahadlang upang makamit nila ang self-sufficiency level of well-being. Dahil dito, ang mga naturang kaso ay mabilis na isinanggunir sa lokal na pamahalaan upang mabigyan ng kaukulang tulong at interbensyon.

Kaugnay dito ay nagsagawa rin ng Family Development Session (FDS) kung saan tinalakay ang mga programa at serbisyo ng DSWD, DOH, PhilHealth, at Department of Agrarian Reform (DAR). Layunin naman nitong mas palawakin ang kaalaman at akses ng mga sambahayang benepisyaryo sa iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan. Kasabay nito ang Focus Group Discussion kasama ang mga Parent Leaders upang mailahad ang kanilang karanasan, hamon, at suhestiyon para sa mas epektibong implementasyon ng programa.

Walang pinalampas na oras ang Regional Advisory Council; sabay-sabay na isinagawa ang 4Ps household beneficiary interview, FGD, at FDS.

Sa bawat panayam at pagbisita, sinisiguro ng DSWD FO 1 na hindi lamang datos ang nakakalap, kundi kwento, saloobin, at pangangailangang nagbibigay-linaw kung paano mas mapagbubuti ang 4Ps, kasama ang lahat ng miyembro ng RAC. 

Ang RAC-OSM ay isinasagawa ng DSWD FO 1 4Ps Division tatlong beses sa isang taon bilang bahagi ng masusing proseso ng pakikinig, pagtugon, at pakikipagtulungan sa iba’t ibang partner stakeholders. Sa pamamagitan nito, mas natutukoy ang mga good practices, hamon, at rekomendasyon na nagiging batayan ng Field Office sa pagpapalakas ng 4Ps –patunay na ang bawat plano at desisyon ay nakabatay sa boses at pangangailangan ng komunidad.