“Totoo ba ito?”

Ito ang unang pumasok sa isipan ni Chariz Ann Rillamas Lucero, dating Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) monitored child mula Barangay San Sebastian, San Vicente, Ilocos Sur, nang lumabas ang resulta ng Licensure Examination for Professional Teachers sa Secondary Level. Hindi lamang kasi siya pumasa, kundi kasama pa siya sa  mga Topnotcher ng buong bansa bilang Top 7.

Para kay Chariz Ann, ang tagumpay na ito ay isang regalong higit pa sa inaasahan, isang biyayang hindi niya kailanman inakalang matutupad.

“Parang panaginip po talaga. Hindi ko po naisip na mapapasama ako sa listahan ng topnotchers. Sobrang blessed po ako dahil napakalaking opportunity ito para mabago ang buhay ng aming pamilya.” Dagdag pa niya, buong pagpapakumbaba niyang inaalalay ang tagumpay na ito sa mga taong patuloy naniwala sa kanya– ang kanyang pamilya, guro, kaibigan, at sa mga institusyong hindi bumitaw sa kanyang pangarap.

Binigyang-diin din ni Chariz Ann na hindi kailanman naging hadlang ang kahirapan sa pangarap. “Bilang isang 4Ps beneficiary, mas lalo kong nauunawaan na mas higit kami sa aming pinansyal na pinagdadaanan,” dagdag niya. 

Hindi lamang si Chariz Ann ang tunay na ipinagmamalaki ng kanyang pamilya. Ang kanyang kapatid na dating monitored chil na si Reden Lucero ay isa na ring Licensed Criminologist, ayon sa inilabas na resulta ng Professional Regulation Commission noong March 2024. Pareho rin silang naging Commission on Higher Education (CHED) scholars, patunay na ang sipag, determinasyon, at paniniwala sa sarili ay kayang lampasan ang anumang kakulangan sa buhay.

Sa kabila ng kanilang mga tagumpay, nanatiling simple ang pamumuhay– hindi maluho, marunong magpahalaga sa mga biyaya, at hindi nakakalimot kung saan sila nagmula.

Bukod sa kanyang academic achievements, aktibo rin si Chariz Ann sa kanilang komunidad bilang SK Chairman, patunay ng kanyang hangaring maglingkod at maging inspirasyon sa kapwa kabataan. Para sa kanya, ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa titulo, kundi sa kakayahang magbigay ng pag-asa sa iba.

Ang kwento ni Chariz Ann– mula sa pagiging 4Ps monitored child noong 2012 hanggang sa pagiging Top 7 sa Licensure Examination for Teachers ngayong December 2025 ay patunay na siya ay nakausad na sa pagpapaangat ng kanilang buhay, na sumasalamin sa layunin ng 4Ps na maging instrumento sa pag-angat ng buhay ng mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng edukasyon.

Ang DSWD Field Office 1 – Ilocos Region ay patuloy sa pagbibigay ng suporta at oportunidad upang mas marami pang kabataang Pilipino ang makamit ang kanilang pangarap at makatawid tungo sa mas magandang kinabukasan. #