“No man is an island.” Isang paalala na walang sinuman ang uusbong nang nag-iisa. Tulad ng isang punla na kailangang alagaan ng araw, tubig, at matabang lupa upang sumibol, gayon din ang bawat pamayanan. Umaasenso sa tulong ng pagkakaisa at malasakit sa kapwa.
Sa ganitong diwa, patuloy na pinayayabong ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1), sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP), ang mga punla ng pag-asa upang magkaroon ng maayos at pangmatagalang kabuhayan para sa pag-unlad ng mga komunidad sa Rehiyon Uno.
(Mula sa kaliwa) Ipinapako ni Arnel Q. Ludivico, Vice-Chairman ng Raniag Salincub SLPA, ang kanilang business permit sa pwesto ng asosasyon sa Brgy. Salincub, Santiago, Ilocos Sur. Isang kasapi naman ang nagbubuhat ng sako ng palay upang timbangin at maitala sa kanilang records bilang bahagi ng operasyon ng asosasyon.
Sa ilalim ng programang ito, ipinatupad ng DSWD ang SLP Association–Conflict-Affected and Vulnerable Areas (SLPA-CVA) na may layuning maghatid ng kabuhayan at tulong sa mga komunidad na kabilang sa Conflict-Affected and Vulnerable Areas (CVA) na tinukoy ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Sa pakikipagtulungan ng Joint Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict 1 (JRTF-ELCAC 1), unti-unting naibabalik ang kapayapaan at kaayusan sa mga pamayanang dating naapektuhan ng hidwaan.
Bagama’t marami ang unang nagpahayag ng interes sa programa, iilan lamang ang nagpatuloy at nakapagtapos sa proseso ng pagpapatupad ng programang SLPA-CVA kabilang na ang Raniag Salincub SLPA ng Brgy. Salincub, Santiago, Ilocos Sur.
Ayon kay Arnel Q. Ludivico, Vice-Chairman ng asosasyon, napili ang kanilang grupo dahil sa ipinakitang aktibong partisipasyon at pagkakaisa ng mga miyembro. “Idi immay ti nagpropose ti Livelihood Project, saan kamin a nagduadua nga inawat dayta. Narigat idi a mangbuo ti asosasyon, ngem gapu iti panagtitinulong dagiti miyembro, nabuo ti Raniag Organization.” (Noong iprinesenta ang Livelihood Project sa amin, hindi na kami nagdalawang-isip na tanggapin ito. Mahirap noon buuin ang asosasyon, pero dahil sa pagtutulungan ng mga miyembro, nabuo ang Raniag Organization) pagbabalik tanaw ni Arnel.
Sinang-ayunan naman ito ni Jackelyn Ragma, Secretary ng asosasyon, na nagbahagi ng isa sa mga pagsubok na hinarap ng kanilang grupo. Ayon sa kanya, “Nalampasan namin iyon dahil sa pagtutulungan at pagkakaisa naming lahat, dahil pare-pareho kaming may hangarin na makabuo ng grupo. Nang dumating ang tulong mula sa DSWD, naging malaking oportunidad iyon kaya hindi namin pinalagpas. Agad naming tinanggap ang ibinigay na puhunan para sa aming negosyo.”
Pinili ng grupo ang rice retailing bilang pangunahing kabuhayan upang tugunan ang malaking pangangailangan ng kanilang lugar. Dahil malayo ang Barangay Salincub sa sentro ng Santiago, nagiging hamon para sa mga residente ang regular na pagkuha ng suplay ng bigas. Sa tulong ng proyekto, mas malapit na ang bilihan ng murang bigas sa barangay. Bukod pa rito, nagbibigay din ang asosasyon ng flexible payment options tulad ng hulugan o pautang na malaking ginhawa lalo na sa mga pamilyang kapos sa budget.
Kahit nakapaloob ito sa programang pangkabuhayan, dala rin nito ang tahimik ngunit makabuluhang ambag sa kapayapaan at katatagan ng komunidad. Sa pagkakaroon ng maayos na pinagkukunan ng hanap-buhay, tumaas ang tiwala nila sa pamahalaan sa pagbibigay nito ng tulong at higit na umigting ang pagtutulungan sa mga residente. Bagama’t hindi agad namamalayan ng mga miyembro na bahagi sila ng mas malawak na peace initiative ng pamahalaan, ang kanilang sama-samang pagsisikap ay patunay na ang pag-unlad at kapayapaan ay magkaugnay. Tulad ng punlang patuloy na lumalago sa tulong ng malasakit, pinayayabong ng kanilang samahan ang diwa ng bayanihan, katatagan, at pag-asa.
Sa huli, buo ang kanilang pasasalamat sa DSWD at National Government as kanilang pagtulong at paggabay na kanilang natanggap. “Agyamyaman kami iti DSWD ken iti National Government ta nakitami unay ti naitulong daytoy a proyekto,” sabay nilang pahayag.
Tulad ng mga butil ng bigas na sabay-sabay nahihinog sa isang tangkay, ipinapakita ng Raniag Salincub SLPA na sa pagkakaisa at pagtutulungan, sabay-sabay ding umuunlad ang bawat isa sa isang komunidad ng mapayapa.

