Ramdam ng mga City/Municipal Links (C/MLs) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa buong Ilocos Region ang pagpapahalaga at malasakit ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pagtanggap ng kani-kanilang Family Development Session (FDS) Care Kits. 

Matapos tanggapin ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) 4Ps Division ang 700 FDS Care Kits, agad itong naideliver sa mga C/MLs upang magamit sa kanilang buwanang FDS – isa sa pinakamahalagang bahagi ng programa.

Ang FDS ay plataporma upang maturuan ang mga pamilya ukol sa wastong pagpapalaki ng anak, kalusugan, kabuhayan, at responsableng pag-aaral. 

Ang mga FDS Care Kits ay magsisilbing standard tools ng mga field workers. Naglalaman ito ng mahahalagang kagamitan tulad ng correction tape, ballpen, payong, colored paper, masking tape, markers, bond paper, manila paper, at lapel. Sa tulong ng kit na ito, mas magiging organisado at epektibo ang mga talakayan, at mas mapapalakas ang kakayahan ng mga C/MLs na magbigay ng de-kalidad na serbisyo sa mga benepisyaryo.

Bukod sa ngiting abot-tenga, iisa ang naging mensahe ng mga C/MLs nang matanggap nila ang FDS Care Kits: “Maraming salamat po, Secretary Rex Gatchalian, sa mga FDS Care Kits na inyong ibinigay!” – isang pasasalamat na mula sa puso ng 700 C/MLs na nakatanggap.

Sa huli, ang inisyatiba ng DSWD ay sumasalamin sa mas malalim na layunin ng programa: hindi lamang pagbibigay ng tulong pinansyal, kundi paghubog ng mga pamilya na kayang tumayo nang mas matatag, mas marunong humarap sa hamon ng buhay, at mas handang makamit ang maunlad na kinabukasan. Sa pamamagitan ng mga FDS Care Kits, muling pinagtitibay na ang pag-unlad ay nagsisimula sa sapat na kaalaman, tamang gabay, at tuloy-tuloy na suporta – at ang 4Ps, kasama ang mga masigasig na C/MLs, ay patuloy na gumagawa ng hakbang para matupad ito.