Pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian ang pagpapaabot ng karagdagang tulong sa mga pamilyang lubos na naapektuhan ng Bagyong Uwan sa mga lalawigan ng La Union at Pangasinan.

Unang binisita ng kalihim ang Barangay Sabangan sa Binmaley, Pangasinan upang personal na tingnan ang sitwasyon ng mga residente, at pangunahan ang pamamahagi ng Emergency Cash Transfer (ECT) at Family Food Packs (FFPs).

Sa Binmaley, may kabuuang 2,613 pamilya ang target na mabigyan ng tulong-pinansyal bilang suporta sa kanilang agarang pagbangon.

Kasunod nito, dumalo sina Secretary Gatchalian, Undersecretary Diana Rose Cajipe, at DSWD Field Office 1 – Ilocos Region Regional Director Marie Angela Gopalan sa isang Situation Briefing kasama ang iba pang national government agencies. Layunin ng briefing na ilahad ang kasalukuyang epekto ng Bagyong Uwan at tukuyin ang mga kinakailangang interbensyon para sa mga apektadong pamilya sa Rehiyon 1.

Matapos ang briefing, agad na nagtungo ang kalihim sa City of San Fernando, La Union, partikular sa Barangay Poro at San Agustin, upang pangunahan din ang payout at FFP distribution. Sa lungsod, 352 pamilya ang target na mabigyan ng cash assistance.

Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng PhP5,265.00 bilang suporta sa kanilang muling pagbangon at upang makatulong sa pagsasaayos ng kanilang kabuhayan na naapektuhan ng bagyo. Maliban dito, nakatanggap din sila ng tig-isang Family Food Pack bilang karagdagang pagkain para sa kanilang mga pamilya.

Ang Emergency Cash Transfer ay isang unconditional cash assistance program na nagbibigay suporta sa mga pamilyang may validated totally o partially damaged houses, mga nanatili sa evacuation centers, o may kabuhayang pansamantalang naantala dahil sa epekto ng kalamidad, at nakatira sa mga lugar na idineklara sa ilalim ng State of Calamity.