Tumaas ang academic performance ng mahigit 468 estudyante ng Naguilian Senior High School ngayong 2025 matapos maitayo ang Two-Storey Six-Classroom School Building sa Brgy. Ortiz, Naguilian, La Union. Ang proyektong ito ay ipinatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO1) sa ilalim ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) Program.
Para kay School Principal Claire P. Pulanco, malinaw ang naging epekto ng bagong gusali sa kanilang paaralan. “Ngayong 2025, kitang-kita ang epekto ng gusali. Mas tumaas ang academic performance ng mga estudyante, mas ganado silang mag-aral, at nananatiling positibo ang kanilang learning environment. Tunay na malaki ang naidulot ng proyektong ito sa kalidad ng edukasyon.”

Batid ni Pulanco na bago pa man naipatayo ang nasabing building ay hindi sapat ang mga masisikip na classroom para sa pagtanggap sa mga estudyante. Ito rin aniya ay malaking balakid para sa kanilang pagtanggap ng mga kaalaman.
Sa mismong proseso ng nasabing implementasyon ng sub-project ay aktibong lumahok ang mga residente sa pagpaplano at implementasyon. Ito ay pagpapatunay sa DSWD KALAHI-CIDSS sa pagpapanatili na ang proyekto ay sa pagpapaunlad at pagpapabuti sa bawat komunidad. Buong puso rin ang pasasalamat ni Pulanco dahil aniya’y hindi lamang natapos ang proyekto sa turnover bagkos ay patuloy na nagsasagawa ng regular na monitoring at evaluation ang mga kawani ng DSWD KALAHI-CIDSS upang matiyak na nagagamit nang wasto ang pasilidad at tunay na nakikinabang ang bawat estudyante.
Pinatibay rin ng proyektong ito ang prinsipyo ng Community-Driven Development (CDD) approach, kung saan hinihikayat ang lahat ng kalahok na aktibong makiisa sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto. Sa ganitong paraan, nagiging mas matibay ang ugnayan ng pamahalaan at ng komunidad tungo sa iisang layunin.
Noong January 10, 2025 ay pormal na isinagawa ang turnover ng gusali na nagkakahalaga ng Php15,022,500.00. Para sa pamunuan at mga residente ng Brgy. Ortiz, higit pa sa isang konkretong istruktura ang kanilang natanggap. Naging simbolo ito ng malasakit, pagkakaisa, at sama-samang pagkilos ng pamahalaan at ng kanilang komunidad.
Ngayong taon, ang bawat pagpasok ng mga estudyante sa bago nilang silid-aralan ay nagsisilbing hakbang hindi lamang tungo sa mas mataas na antas ng kaalaman kundi patungo rin sa mas maliwanag na tagumpay.
Sa pamamagitan nito ay hindi lamang pinatutunayan ng programa ang patungkol sa pagtatayo ng gusali kundi ukol sa paglalatag ng pundasyon para sa mas makulay at matagumpay na kinabukasan ng bawat kabataang sa Rehiyon Uno.
