Mula sa maputik na daan patungo sa isang maaliwalas na kinabukasan.” Ito ang pagbabagong hatid ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 1 – Ilocos Region. Ang programang ito ay nagsisilbing tulay na nagdudugtong sa mga pangarap ng komunidad at sa mas maunlad na bukas.

Sa Barangay Lipit-Tomeeng, San Fabian, Pangasinan, damang-dama ang ginhawang dulot ng Concreting of Farm-to-Market Road na matagal nang inaasam ng mga residente. Buong pasasalamat na ibinahagi ni Barangay Secretary Emari B. Ouapen na natuldukan na ang hirap ng mga magsasaka. Kabilang sa mga magsasakang ito ang kanyang ama, na noon ay hirap madala sa bayan ang kanilang ani dahil sa sirang kalsada.

“Ngayon, mas magaan ang biyahe, mas mabilis ang pagdadala ng produkto, at higit sa lahat, mas ligtas ang aming pagbiyahe,” ani Ouapen. Tinatayang 2,417 residente ang nakikinabang sa proyektong ito na nagbukas ng mas maayos na daloy ng kabuhayan at kaginhawaan sa araw-araw.

Pagsusuri ng DSWD Field Office 1 sa natapos na concreting ng kalsada Sitio Purao, Brgy. Alibangsay, Bagulin, La Union.

Kahalintulad na kwento ang ibinahagi ni Pelita C. Cario mula Sitio Purao, Brgy. Alibangsay, Bagulin, La Union kung saan aabot sa nasa 1,329 ang indibidwal ang kapwa niyang naninirahan dito. Bago ang road improvement project, tuwing umuulan ay halos imposible ang pagdaan. Nahihirapan ang mga estudyante sa pagpasok, nadedelay ang pagbebenta ng ani, at nalalagay sa panganib ang mga maysakit.

 

“Ang kawalan ng maayos na kalsada ay hindi lang usapin ng imprastraktura bagkus ito ay usapin ng kabuhayan, edukasyon, at kaligtasan,” diin ni Cario. Ngunit matapos maisakatuparan ang proyekto noong November 2024, nagbago ang takbo ng kanilang pamumuhay.

“Matagal naming ipinagdasal ang kalsadang ito. Sa tulong ng DSWD KALAHI-CIDSS, natamo namin ang ginhawa, kaligtasan, at higit sa lahat, ang pag-asa para tuparin ang aming mga pangarap,” dagdag niya.

Ang masusing koordinasyon at pag-uugnayan ng lokal na pamahalaan at DSWD Field Office 1 ay susi sa naging tagumpay ng naturang proyekto na nagkakahalaga ng Php4,564,140. 00. Tunay ngang ang mga kalsada ay hindi lamang daan patungo sa bayan, kundi daan din tungo sa mas magandang kinabukasan. Sa pamamagitan ng DSWD KALAHI-CIDSS, naipapakita ang diwa ng bayanihan, napapalakas ang kabuhayan, at nagiging posible ang mga pangarap ng bawat pamilya sa Rehiyon Uno.

Patunay nito ang isinagawang Turnover Ceremony noong Setyembre 17, 2025 sa Barangay Corro-oy, Santol, La Union, kung saan ipinagkaloob ng DSWD Field Office 1 ang Combine Harvester at Tractor para sa mga magsasaka.

Ribbon cutting sa Turnover Ceremony sa Barangay Corro-oy, Santol, La Union, para sa pamamahagi ng Combine Harvester at Tractor mula sa DSWD Field Office 1.

 

Ayon kay Barangay Secretary Delia A. Valdez, kasapi rin ng Pilaoan-Guilong Irrigators Association, malaking tulong ang mga makinaryang ito upang mapagaan ang trabaho ng mga magsasaka at mapaunlad ang kanilang ani. Dagdag pa niya, ang mga natutunan mula sa KALAHI-CIDSS Community Empowerment Activity Cycle ay nagsilbing gabay para matagumpay na maisakatuparan ang proyekto.

Sa bawat kalsada, makinarya, at proyektong hatid ng DSWD KALAHI-CIDSS, unti-unting naitatayo ang mga tulay na hindi lamang mga daan, kundi nakabubuo din ng pag-asa at pag-unlad para sa bawat komunidad. (by: Erika Glynn C. Galera, Information Officer II)