Para sa maraming Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) household beneficiaries sa Rehiyon Uno, ang pagkakaroon ng matatag na kabuhayan ay madalas nananatiling pangarap lamang. Ngunit ngayon, unti-unti itong nagiging realidad sa tulong ng isang makabuluhang pagtutulungan ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) at Don Mariano Marcos Memorial State University – South La Union Campus (DMMMSU-SLUC).
Sa pamamagitan ng pinirmahang Memorandum of Agreement (MOA) nina DSWD FO 1 Regional Director Marie Angela S. Gopalan at DMMMSU-SLUC Chancellor Dr. Joanne C. Rivera, pormal nang sinimulan ang partnership na may layuning bigyan ng bagong pag-asa at kasanayan ang mga benepisyaryo ng 4Ps.
Sa ilalim ng Skills Training Initiatives in Technology for Community and Home Economics (STITCH) Program ng DMMMSU-SLUC College of Education – Bachelor of Technology and Livelihood Education, ilulunsad ang iba’t ibang free training programs tulad ng food processing, bread and pastry production, organic agriculture, at computer servicing. Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) na magbibigay ng lugar at iba pang pangangailangan, mas marami pang 4Ps households beneficiaries ang magkakaroon ng pagkakataong matuto at makapagsimula ng sariling kabuhayan.
Ang mga makapagtatapos sa training ay maaaring makatanggap ng National Certificate (NC) mula sa TESDA, isang dokumentong magagamit sa bagong trabaho o simula ng pangkabuhayan.
Ayon kay Dr. Rivera, matagal na niyang hangarin ang makipagtulungan sa mga ahensyang naglalayong labanan ang kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon at pagsasanay.

“Matagal ko nang hinahangad na makipagtulungan sa mga organisasyong tunay na nagmamalasakit sa pagpapalakas ng kabuhayan ng ating mga kababayan. Sa pamamagitan nito, mabibigyan natin ang 4Ps household beneficiaries ng mas malaking pagkakataong umasenso at ganap na makibahagi sa pag-unlad ng lipunan,” ani Dr. Rivera.
Samantala, binigyang-diin ni Director Gopalan na hindi sa dami ng proyekto nasusukat ang tagumpay ng isang programa, kundi sa totoong pagbabago sa buhay ng mga benepisyaryo.
“Hindi lang ito basta training, ito ay pagbibigay ng pag-asa at oportunidad sa higit na nangangailangan nating kababayan. Saludo kami sa DMMMSU-SLUC sa kanilang dedikasyon hindi lang sa pagbibigay ng kaalaman kundi pati sa pagbubukas ng kaisipan ng mga tao sa kahalagahan ng pagkakaroon skills upang makamit ang kaunlaran,” dagdag ni Director Gopalan.
Hatid ng kasunduang ito ay iisang layunin na tulungan ang bawat 4Ps household beneficiary na muling maniwala sa sarili, matutong bumangon, at makahanap magkaroon ng sapat na kaalaman upang tahakin ang daan tungo sa self-sufficiency.
Patuloy ang DSWD sa pakikipagtulungan sa mga institusyong tulad ng DMMMSU-SLUC upang maabot hindi lamang ang mga kamay, kundi pati ang puso ng mga Pilipinong nangangarap ng mas magandang bukas.
