Kaakibat na ng bawat kalamidad ang takot at pangamba. Ngunit ito ay may kasama ring pagkakataon: pagkakataon para ipakita na sa oras ng unos, hindi nang-iiwan ang pamahalaan at komunidad. Sa likod ng pagod, init, at ulan, may mga lingkod-bayan na handang mag-abot ng tulong at maghatid ng pag-asa.
Noong May 17, 2008, sampung taong gulang pa lamang ako nang tangayin ng Bagyong Cosme ang bubong ng aming bahay. Hanggang ngayon, sariwa pa rin ang alaala ng malakas na hangin na may dalang hagupit, ang kalabog ng yero na lumalamon ng katahimikan, at ang takot na dumadagundong sa dibdib ng aming pamilya. Ramdam ko pa ang higpit ng yakap ng aking ina, pilit na itinatago ang kanyang pangamba, habang ako nama’y pinipigilan ang luha sa kabila ng panginginig.
Mula noon, tuwing may paparating na bagyo, bumabalik ang kaba. Parang dumidilim muli ang langit sa aking alaala. Ngunit habang lumilipas ang panahon, natutunan kong ang sugat na dulot ng sakuna ay maaari ring maging gabay. Hindi na lamang ako ang batang takot sa bagyo—ako na rin ay isang lingkod-bayan na handang maghatid ng tulong at pag-asa sa iba.
Noong August 4, nakibahagi ako sa pamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Family Food Packs (FFPs) sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan matapos ang pananalasa ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong. Batay sa datos, halos kalahating milyong pamilya ang naapektuhan.

Sa Bayan ng Mabini ako na destino. Doon ko nasilayan ang mga punong yumuko at nakahandusay sa tindi ng bagyo, mga bubong na parang punit na papel sa pagkakawasak at mga bintanang basag na naging saksi sa delubyong nagdaan. Ngunit kasabay ng tanawing iyon, nakita ko rin ang walang sawang pagsusumikap ng mga kawani ng DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1), at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Mga lingkod-bayan na umpisa pa lamang ng bagyo ay kumikilos na at patuloy na nagseserbisyo sa mga nasalanta.Mainit, maputik, at nakakapagod ang maghapon, ngunit sa bawat ngiti ng mga benepisyaryo, dama ko na higit pa sa laman ng kahon ang kanilang natanggap. Ito ay tanda ng pagtindig ng pamahalaan para sa mamamayan na may paalalang hindi sila nakalimutan. Kasama rin nito ang panibagong pag-asa, isang bulong ng katiyakan na sila’y muling makakabangon.

Sa gitna ng pagpapaabot ng tulong, napagtanto kong hindi lamang ako ang may ganitong karanasan. Marami pang lingkod-bayan ang patuloy na naglilingkod kahit sila man ay apektado ng kalamidad.
Isa na rito si Raffy O. Lagua, isang Financial Analyst III ng DSWD Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) na kahit nasira ang kanilang tahanan dahil sa Bagyong Emong ay pumasok pa rin sa trabaho upang makapamahagi ng FFPs sa kapareho niyang apektadong mga residente. Nariyan din si Louie A. Jaravata, Community Empowerment Facilitator ng DSWD KALAHI-CIDSS, na kahit nabaha ang bahay at lumikas ang kanyang pamilya ay nagpatuloy sa paglilingkod. “Hindi man madali ang pinagdadaanan, ang makapaglilingkod sa panahong may unos ay isang biyaya,” saad niya. Samantala, si Jerson Cadion, Regional Infrastructure Officer II ng DSWD KALAHI-CIDSS na matapos mailagay sa ligtas na lugar ang kanyang pamilya mula sa baha ay agad ding tumugon sa tawag ng tungkulin. “Sa bawat ngiti ng taong aming natulungan, doon ko nadama ang tunay na halaga ng aming ginagawa,” dagdag niya.

Magkakaiba man ang aming karanasan, iisa ang mensahe – na ang kalamidad ay hindi namimili ng tatamaan. Ngunit natutunan naming sa bawat pagkawasak, laging may pagkakataon upang ipakita ang malasakit.
Ang bawat Family Food Pack na naipamimigay ay hindi lang pagkain na panlaman ng tiyan. Ito ay konkretong patunay na may gobyernong nakikinig, may lingkod-bayang kumikilos, at may komunidad na handang magdamayan.At dito ko muling napatunayan na ang paglilingkod ay hindi lang trabaho. Ito ay panata, lakas, at pag-asa na patuloy na magliliyab. (by: Erika Glynn C. Galera, Information Officer II)
