Ilocos Sur — Upang matiyak na ang serbisyo ng pamahalaan ay naipararating nang malinaw at tama, pinaigting ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region  (DSWD FO 1) ang kampanya kontra fake news sa Tamang Tulong sa Tamang Impormasyon (3TI) Communication Campaign sa iba’t ibang bahagi ng Ilocos Region.

Ngayong Setyembre, isinagawa ang serye ng aktibidad sa mga bayan ng Gregorio del Pilar at Sinait, Ilocos Sur na dinaluhan ng barangay workers, frontline responders, at mga kabataan. Sila ang ilan sa mga pangunahing katuwang ng Ahensya sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon.

Pagpapaliwanag ng mga programa at serbisyo ng DSWD sa mga barangay health workers at chief tanods sa 3TI Campaign sa Gregorio del Pilar.

Nagkaroon ang DSWD ng talakayan sa mga Barangay Health Workers at Chief Tanods ng Gregorio del Pilar noong September 17, 2025, upang palakasin ang kanilang kakayahan bilang unang tagapaghatid ng impormasyon sa kani-kanilang komunidad.

Binigyang-diin ng DSWD na higit sa pamamahagi ng tulong pinansyal, malawak ang mandato ng ahensya para sa iba’t ibang sektor gaya ng senior citizens, kabataan, solo parents, at iba pang vulnerable groups. Sa pamamagitan ng mga orientation at talakayan, nilinaw ang tamang proseso ng pag-access sa mga programa at serbisyo upang maiwasan ang kalituhan at mapigil ang pagkalat ng mga maling balita.

Sunod namang nagbigay ng impormasyon ang DSWD FO 1 sa Sinait National High School noong September 19, 2025. Ipinaliwanag sa mga Grade 11 at 12 student leaders ang kahalagahan ng kanilang gampanin sa pagtalima sa tamang impormasyon sa pamamagitan ng paglilinaw sa programa at serbisyo ng Ahensya. Inaasahang sila ang magsilbing information multipliers na magdadala ng tamang kaalaman sa kanilang paaralan at barangay.

Ayon kay Principal IV Marissa Valoria, mahalaga ang epekto ng nasabing aktibidad sa kabataan. Aniya, ito ay isang magandang pagkakataon sa bawat estudyante upang sila ay matuto at malaman ang mga tamang hakbang sa pagtanggap ng tulong sa oras ng sakuna.

Mag-aaral mula sa Sinait National High School na aktibong nakikilahok sa naging 3TI Communication Campaign sa Sinait, Ilocos Sur.

Para kay Vissia Vion Mercado, isang Grade 12 student leader, malaking bagay ang kanilang naging partisipasyon. “Marami kaming natutunan kasi kahit kami ay hindi hindi rin gaanong pamilyar sa iba’t-ibang programa. Ngayon, mas malinaw na sa amin kung ano ang mga ito, kaya maipapamahagi ko na rin ang mga impormasyon sa aking mga kaklase at sa aming komunidad,” ani Mercado.

 

Ang mga aktibidad na ito ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng DSWD Field Office 1 upang gawing katuwang ang kabataan at mga frontline workers sa laban kontra fake news at sa patuloy na pagtataguyod ng tamang kaalaman. Magpapatuloy ang 3TI Communication Campaign sa mga bayan ng Burgos at Infanta, Pangasinan sa Oktubre at Nobyembre. (by: Erika Glynn C. Galera, Information Officer II)