“Hindi ako paborito ni Lord.”
Ito ang namutawi sa bibig ng isang batang lumaking mulat sa kahirapan na si Julius Jeremi B. Seguritan, tubong Cabugao, Ilocos Sur. Isang pahayag na nag-ugat sa hinanakit, pagod, at galit ngunit punong puno ng pag-asa.
“Isang kahig, isang tuka lang kami noon. Ang nanay ko nagtitinda ng fishball at kikiam, habang ang tatay ko naman ay isang magsasaka. Madalas, halos walang natitira sa kita ni tatay dahil napupunta lahat sa pambayad utang, lalo na kapag binabagyo ang aming pananim,” pagbabalik-tanaw ni Julius. Ngunit sa kabila ng kakulangan, nanatiling nag-uumapaw ang pangarap.
Hindi pinanghinaan ng loob si Julius. Sa halip, ginamit niya ang kahirapan bilang inspirasyon upang magpursige. Sa murang edad, batid na niya ang responsibilidad bilang panganay. Siya ang mag-aahon sa pamilya mula sa pagkakabaon sa kahirapan, ito ang lagi niyang pinaghuhugutan ng lakas.
“Wala man akong baon sa eskwela, nakita ko kung paano nagsumikap ang aking mga magulang. Hindi sila sumuko. Ginagawa nila ang lahat para maging mabuting tagapagtaguyod sa aming magkakapatid,” ani Julius.
Dumating ang pagkakataon na naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang kanilang pamilya noong 2011. Ang kanyang kapatid ang naging 4Ps monitored child, habang siya naman, bilang college student, ay napabilang sa Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA), isang education grants-in-aid program ng Commission on Higher Education (CHED) para sa mga anak ng 4Ps households beneficiaries. Dahil sa mga programang ito, nabigyan si Julius at ang kaniyang mga kapatid ng panibagong pag-asa. Hindi lamang siya nakapagtapos ng kolehiyo noong 2016, agad siyang naging Licensed Social Worker nang sumunod na taon.
“Bilang ESGP-PA student grantee, PhP3,500.00 kada buwan for 10 months ang tulong-pinansyal mula sa CHED ang natatanggap ko, na ginagamit ko para sa aking tuition at miscellaneous fees sa paaralan, boarding house, pamasahe, at allowance. Ito ay naging malaking tulong sa aking pag-aaral, dahil nabawasan ang pasanin ng aking pamilya at nakatuon ako ng mas maraming oras at atensyon sa aking mga pag-aaral,” dagdag ni Julius.

Ngunit bago pa man maging ganap na propesyonal si Julius, isang makasaysayang tagpo ang naganap. Ang kanyang nanay na si Crispina B. Seguritan ay nauna nang naging licensed Social Worker noong 2013. Matagal mang isinantabi ni Nanay Crispina ang sariling pangarap dahil sa hirap ng buhay, muling nabuhay ang kanyang tiwala sa sarili nang sila ay maging 4Ps household beneficiary.
Si Nanay Crispina ay naging DSWD Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) employee bilang 4Ps Social Welfare Assistant at ngayon ay nagsisilbi bilang Medical Social Worker sa Salcedo District Hospital. Habang si Julius ay isa nang Angel in Red Vest sa DSWD FO 1 bilang isang Project Development Officer II kung saan nai-aapply niya ang pagiging isang licensed social worker.
“Ang social work ay isang noble profession. Para bang ‘change agents’. At dahil sa pinagdaanan ko, kapag nakakasalamuha ko ang mga DSWD beneficiaries gaya ng 4Ps, matatanda, at may kapansanan, ay naiintindihan ko sila. Nakikita ko ang sarili ko sa kanila. At ginagamit ko ang karanasan ko para magsilbing inspirasyon na hindi hadlang ang kahirapan para umasenso,” kwento ni Julius.
Ngayon, hindi na lamang siya ang bumubuo ng kwento ng pagbangon ng kanilang pamilya. Ang kanyang kapatid na si Kevin ay Angel in Red Vest na rin ng DSWD FO 1 bilang Administrative Assistant I, at ang bunso nilang si Krizah ay pinagsisikapan ng buong pamilya na mapagtapos sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Radiologic Technology.
Sa bawat araw na siya’y naglilingkod, dala ni Julius ang kanyang pinanggalingan, hindi bilang paalala ng hirap, kundi bilang patunay ng tagumpay. Sa kasalukuyan ay mayroon nang 112 na dating 4Ps beneficiary na ngayon ay DSWD FO 1 employee na.
Katulad ni Julius, libo-libong kabataang Pilipino ang may kapareha niyang kwento, ngunit hindi lahat ay nagtatagumpay. Kaya’t sa bawat hakbang niya bilang isang lingkod-bayan, dala niya ang misyon: maging buhay na patunay na hindi imposibleng bumangon mula sa putik ng kahirapan.
“Ngayon, masasabi kong… hindi lang pala ako paborito ni Lord, bagkus mahal ako ni Lord,” sabay ngiti ni Julius. Ngiting may halong pasasalamat, tagumpay, at pananampalataya.
