Ilocos Region — Hindi lamang pansamantalang kabuhayan ang iniuwi ng mga kabataan mula sa tatlong Higher Education Institutions sa Rehiyon 1 sa ilalim ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) Cash-for-Work (CFW) Program ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1), ang mas malaking nakuha nila ay nakita sa kanilang mga natutunan—mga aral na dadalhin nila sa mas malalaking hamon ng buhay.
Sa Binalatongan Community College (BCC), ibinahagi ni Joshua Vergara ang kanyang naging karanasan sa ibinigay na pansamantalang trabaho ng KALAHI-CIDSS. Para sa kanya, napakapalad niyang mapabilang sa programa dahil nakatulong siya sa kapwa habang kumikita. “Mas lumawak ang aking pananaw bilang kabataan matapos na makapagsilbi para umalalay sa mga First Year College students sa BCC. Bilang isang Student Affairs Staff, dito ko natutunan ang kahalagahan ng pagkukusa sa paghubog ng mas maayos na sistema ng paaralan gayundin sa komunidad,” aniya. Dagdag pa ni Joshua, nagkaroon siya ng ‘fulfillment’ sa pagtratrabaho niya, at naniniwala siyang dapat mas marami pang kabataan ang makaranas ng ganitong oportunidad. “Nawa’y mas marami pang maabot ang programang ito, hindi lang para tulungan kundi para gisingin ang diwang maglingkod sa bawat isa. Salamat sa pagiging tulay sa pangarap at realidad.”

Kasunod nito, nagpahayag ng kanyang karanasan si Aiza Dela Cruz, mula rin sa BCC, na nagsabing hindi lamang kasanayan at disiplina ang kanyang natutunan, kundi higit sa lahat ay ang pagkakaroon ng tiwala sa sarili. “Dati akong mahiyain. Pero dahil sa [KALAHI-CIDSS] Cash-for-Work Program ng DSWD ay nagkaroon ako ng pagkakataong ma-engage sa community work kung saan natutunan kong magkaroon ng confidence sa aking sarili. Hindi lamang pinansiyal ang naitulong ng programa, kundi pati sa paghubog ng aking pagkatao,” pagbabahagi niya.
Kung sa BCC ay lumago ang kumpiyansa ng mga kabataan, sa Urdaneta City University (UCU) naman ay nakita ang epekto ng programa sa paghahanda para sa hinaharap. Ibinahagi ni Alyssa Faith Serafica naging tulay ang programa upang mas maging handa siya sa pag-aapply ng trabaho, bukod pa sa pagkakataong masuportahan ang kanyang kapatid sa pag-aaral.
Binigyang-diin naman ng mga benepisyaryo mula sa Ilocos Sur Polytechnic College (ISPSC) ang kahalagahan ng pagtutulungan at bayanihan kung saan nakibahagi sila sa aktibong pagtulong sa iba’t ibang ahensya ng local government unit at kanilang paaralan. Para sa kanila, ang kanilang partisipasyon ay nagpapatunay na ang kabataan ay may kakayahan at obligasyong makibahagi sa pagpapaunlad ng kanilang paaralan at komunidad.
Kasabay ng mga natutunang ito, nabigyan ang mga kalahok ng cash incentive pagkatapos ng dalawampu’t limang araw nilang pagtatrabaho. Bawat isa ay nakatanggap ng bayad batay sa regional daily wage rate ng Region 1 na PhP468.00, na maaaring umabot ng ₱11,700. Sa kabuuan, mahigit PhP7.1 milyon ang naipamahagi ng DSWD FO 1 sa 689 benepisyaryo – PhP2.1 milyon para sa 248 benepisyaryo ng ISPSC, halos PhP2.2 milyon para sa 248 benepisyaryo ng BCC, at PhP2.8 milyon naman para sa 193 benepisyaryo ng UCU.

Higit sa numerong ito, malinaw sa mga salaysay ng mga benepisyaryo na ang pinakamahalagang naiuwi nila ay hindi lamang sahod, kundi ang mga aral ng disiplina, kumpiyansa, pagkukusa, at malasakit. Mga yaman na tunay nilang magagamit sa paghubog ng kanilang kinabukasan at sa patuloy na pagpapaunlad ng kanilang mga komunidad. (by: Erika Glynn C. Galera, Information Officer II)
