Mahalaga para sa isang ama na nasusuportahan ang kanyang pamilya at nagagabayan ang kanyang mga anak. Ngunit may mga pagkakataon ding ang haligi ng tahanan ay nalilihis ng landas. Sa kanyang murang edad, nahikayat si ‘Mel’ na sumama at maging bahagi ng isang kilusan laban sa pamahalaan, dahilan upang mawalay siya sa kanyang pamilya..
Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, unti-unti ring sumibol ang hangarin ni Mel na makabalik sa tamang landas, nanaig ang pagnanais na maibalik ang mga panahong nawala upang muling maramdaman ng kanyang pamilya ang kanyang presensya at paggabay.
“Iddi mam kabataan nak pay laeng na-recruit dak a maysa a kabataan ditoy barangaymi (Noong kabataan ko ay na-recruit ako na isa sa mga kabataan dito sa barangay namin),” kanyang pagbabalik-tanaw. Sa bawat araw ng pangamba, naroon pa rin ang alaala ng kanyang mga anak na siyang nagsilbing liwanag sa kanya “Dumakdakkel dagijay ubing kon isu nga napanunot ko nga ag-surrender (Lumalaki na ang mga anak ko kaya’t nagdesisyon na akong mag-surrender),” aniya.
Sa isang panayam, ibinahagi ni ‘Mel’ ang pagbabagong hatid ng tulong ng gobyerno sa kanyang buhay at pamilya
Ang pagbabalik-loob ni Mel ay hindi lamang pagbabalik sa kanyang tungkulin bilang haligi ng tahanan kundi na rin sa bayan. Sa pamamagitan ng mga inisyatibo ng gobyerno, lalo na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), nabigyan siya ng pagkakataong magsimula muli.
Nakatanggap si ‘Mel’ ng puhunan sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) upang makapag-alaga ng kambing na naging panimula ng kanyang pangkabuhayan.
“Bale diay kalding ko pinaadok nga immuna ta adda ti papaadalek met nga kolehiyok ken senior high, isu a dakkel a tulong adiay kinyak nga inusar ko pangpaadal kanyada (Pinarami ko muna ang mga kambing ko dahil may anak akong nasa kolehiyo at senior high, kaya malaking tulong iyon para sa pagpapaaral ko sa kanila),” puno ng pasasalamat niyang ibinahagi.
Hindi man marangya ngunit magaan at tahimik na ang bawat araw para kay ‘Mel’. Sa bawat kambing na napararami, may dagdag na pondo para sa pagkain, pangbaon, at para sa gastusin sa eskwela ng kaniyang mga anak. Ang tanging hangarin niya ay maging mas maayos pa ang kanilang buhay. “Kayat ko lang a makapagbasa dagiti anakko ken dumurdur-as pay iti pinagbiagmi (Ang gusto ko lamang ay makapagtapos ng pag-aaral ang aking mga anak at maging mas maayos pa ang aming buhay).”
Bukod sa kabuhayan, patuloy din ang suportang kanyang natatanggap mula sa pamahalaan. “Ti DSWD ket haan lang siyak iti natulungan da, am-amin a agkasapulan nga immasidig kinyada ket tinulungan da (Hindi lamang ako ang natulungan ng DSWD kundi lahat ng mga lumapit sa kanila),” dagdag niya.
Sa ngayon, hindi lang nakatuon si ‘Mel’ sa pag-aalaga ng kanyang mga kambing, kundi aktibo rin siyang namumuno bilang federation president ng organisasyong KAKABSAT o Kakailian Agkikinamayet iti Kasayaatan Agpipinateg Balligi ti Sakbayan Anus ti Tulbek. Ito ay organisasyong nagsusulong ng pagkakaisa ng mga dating kabilang sa kilusan at nagsisilbing huwaran para sa pagbabagong-buhay.
Ang kanyang kwento ay nagpapaalala na sa bawat pagbabalik-loob ay may kapatawaran at sa bawat tulong ng pamahalaan ay muling tumitibay ang pundasyon ng isang tahanan, isang haliging muling nakatayo para sa pamilya at para sa kapayapaan.

