Sa kabila ng sunud-sunod na pag-ulan sa Rehiyon Uno, patuloy ang Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region (DSWD FO 1) sa pag-papaabot ng malasakit at serbisyo para sa mga indigent na senior citizens.
Bilang bahagi ng Transfer of Funds (TOF) scheme, kung saan na-turn-over na ng DSWD ang pondo sa mga Local Government Units (LGUs) para sa mas mabilis na pamamahagi ng pensiyon, pinangunahan ng anim na LGU ang third quarter payout para sa mga social pensioner, katuwang ang DSWD FO 1 Social Pension Program Management Office (SPPMO). Ang mga LGU na nanguna sa payout na ito ay ang Aringay, La Union, at Agno, Burgos, Dasol, Asingan, at Tayug, Pangasinan.
Masayang tinanggap ng mga Lolo at Lola na social pensioners ang PhP3,000.00 o katumbas ng PhP1,000.00 kada buwan na pensiyon para sa isang quarter. Malaking ginhawa ang hatid nito upang mabili ang kanilang mga gamot at matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Masusing sinusuri ang mga ID at pinipirmahan ng mga benepisyaryo ang listahan bilang bahagi ng proseso ng pagtanggap ng kanilang pensiyon
Sa kabuoan, 11,144 sa 206,074 target indigent senior citizens ang nakatanggap na ng kanilang stipend, kabilang ang 1,392 sa La Union at, 9,752 naman sa Pangasinan. Nakatakda ring maibigay ang pensiyon sa iba pang benepisyaryo sa rehiyon sa mga itinakdang payout schedules sa mga susunod na buwan.
Ang Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) ay naglalayong magbigay ng tulong pinansyal para sa mga senior citizens na mahina, may sakit, o may kapansanan, walang pensiyon mula sa ibang ahensya ng gobyerno, at walang permanenteng pinagkukunan ng kita o regular na suporta mula sa kamag-anak.
Itinatag ito sa ilalim ng Republic Act No. 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010, na nagsusulong ng “additional government assistance” para sa mga nakatatanda, at higit pang pinagtibay sa ilalim ng Republic Act No. 11916, na nagtaas ng buwanang pensyon mula PhP500.00 sa PhP1,000.00.

