Ang kahalagahan ng pagkakaroon ng datos ng mga mahihirap na sambahayan mula sa Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1) ay kinilala ni Mayor Joy P. Merin ng Bangar, La Union noong isinagawa ang Listahanan 3 database turnover.
“Kitkitain tayo nga talaga dagidiay kondisyon (tinitignan talaga natin ang kondisyon), estado ng vulnerable sectors, the poor, at iyong mga most in need. We don’t just consider them, we prioritize them. So with this database, siyempre mas madali na namin silang ma-target agad,” ani Mayor Merin.
Nasa 226 na sambahayan o katumbas ng 1,583 na indibidwal ang natukoy ng Listahanan na mahihirap sa Munisipalidad ng Bangar kung saan ang Barangay Mindoro ang may pinakamataas na bilang ng sambahayang mahihirap.
Ang lokal na pamahalaan ng Bangar ang kusang humingi ng listahan ng mga mahihirap na pinamamahalaan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction o Listahanan upang hindi na sila mahirapang tumukoy ng mga potensyal nilang magiging benepisyaryo sa kanilang mga pinaiiral na programa, bubuuin pang mga programa, at paplanuhing estratehiya na mapapakinabangan ng kanilang mga nasasakupan.
Patuloy namang hinihikayat ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan maging ang iba pang ahensya ng gobyerno at mga akademya na sikaping iproseso ang mga kailangang dokumento para makakuha ng listahan ng mga mahihirap na magsisilbing basehan sa pagbuo ng mga programa, proyekto, at serbisyo na paniguradong makakatulong sa mga kapus-palad.
Ang database ng Listahanan ay mula sa kinalap na mga pribado at sensitibong mga impormasyon ng isang sambahayan na naproseso sa pamamagitan ng siyentipikong pamamaraan upang makabuo ng makabuluhang talaan ng mga indibidwal, pamilya, at sambahayang mahihirap na naging basehan ng mga malalaking programa ng gobyerno kagaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD, Indigent PhilHeath ng PhilHealth, Tertiary Education Subsidy ng Commission on Higher Education, at marami pang iba. (by: Jaymante Pearl B. Apilado – National Household Targeting Section)