“Matanda na ako, sa edad kong 85 ay ngayon ko lang naranasan ang ganoong kataas na baha rito sa amin. Nanginginig ako sa takot, mabuti na lang at mayroon ‘yung mga anak ko sa kabilang bahay. Kung wala sila, hindi ko na alam kung anong nangyari sa akin,” mangiyak-ngiyak na kwento ni Leonarda Domondon, residente ng Brgy. Tamurong, Caoayan, Ilocos Sur.
Ang Caoayan, Ilocos Sur ay isa sa pinakaapektadong bayan sa Rehiyon Uno sa pananalasa ng Bagyong Egay. Mayroon itong mga barangay na nalubog sa baha at na-isolate at 7,299 na pamilya ang naitalang apektado sa nasabing bayan.
“Dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig, ilang mga barangay ang nalubog sa baha. Maraming residente ang na-stranded, at maraming mga bata at matatanda ang natrauma dahil sa epekto ng Bagyong Egay,” salaysay ni Municipal Social Welfare and Development Officer Lolen Adviento.
Dagdag niyang dahil sa taas ng tubig, hindi na kinaya ng mga rescuer mula sa lokal na pamahalaan na suongin ito kung kaya’t humingi na sila ng tulong sa Provincial Government at National Agencies upang matulungan ang mga kababayan nilang na-stranded.
Kwento naman ni Ariesto Pamani ng Brgy. Tamurong, Caoayan, Ilocos Sur, “nagtiwala kami, dahil noon hindi inaabot ng baha ang bahay namin tuwing may bagyo. Subalit dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig, hindi na namin kinaya ang lagpas taong lebel ng baha. Kaya naman inilangoy ko ang aking pamilya patungo sa bahay ng aking kapatid na mayroong dalawang palapag.”
Ang mga apektadong pamilya at indibidwal – prayoridad ang mga naitalang may partially at totally damaged na bahay ay nabigyan ng Emergency Cash Transfer (ECT) ng DSWD. Ito ay upang magsilbing karagdagang tulong at suporta para sa kanilang muling pagbangon mula sa pananalasa ng nasabing bagyo.
May kabuoang 4,833 na pamilya at indibidwal ang nakatanggap ng ECT mula sa nasabing bayan.
Labis ang pasasalamat ni Ariesto sa DSWD dahil sa ECT na kanilang natanggap ay makabibili ng kanilang gamit at makapagsisimulang bumangon muli dahil aniya ang gamit nila ay tinangay ng baha at halos wala nang natira pa sa kanila.
Malaking tulong ang Food and Non-Food Items na naibigay sa mga apektadong residente sa bayan ng Caoayan bilang agarang pagresponde sa kanilang pangangailangan, at ang ECT bilang karagdagang tulong sa kanilang rehabilitasyon at pagbangon.
“Ang ECT ay napakalaking tulong sa mga kababayan natin. Makakatulong ito upang kahit papaano ay makarecover sila mula sa pananalasa ng Bagyong Egay. Maraming salamat sa DSWD Field Office 1 sa tulong ninyo para sa aming Caoayanos mula pa man noong kasagsagan ng Bagyong Egay hanggang sa pagbibigay ng ECT. Napakalaking bagay ito para sa amin,” saad ni Lolen.
Ang ECT ay isang programa ng DSWD na nagbibigay ng unconditional cash assistance sa mga pamilya at indibidwal na apektado ng mga kalamidad upang lalo pang matulungan silang makabangon mula sa pagkasira ng kanilang mga tahanan at kabuhayan. (by Henry J. Juyno, Information Officer II, Disaster Response Management Division-Disaster Response and Rehabilitation Section)